Don’t Judge, Just Read 3: TEST PLOT

Disclaimer: Ito po ay kathang – isip lamang. Please lang, wag na i-push na hugot ito. Makibasa ka nalang.

rainy-night-in-new-york-05 

1

“You’re the best I’ve ever had.”
Sinasabi ko ito habang pinipigilan ko ang pagpatak ng luha sa aking mga mata habang  dinadama ko ang huling yakap ko sa iyo. Pinapakiramdaman ko din ang pulso ng iyong katawan na nagngingitngit sa galit at pagkagulat, bawat pintig wari’y nanunumbat.
Hindi ko alam kung ano pa ang maari kong sabihin upang tingnan mo lamang ang aking mga matang nagungusap at gustong – gustong sabihin sa iyo na mahal ka. Bakit dito tayo dinala ng pagkakataon? Bakit ganito tayo magtatapos?
Unti-unting pumatak ang tubig galing sa madilim na kalangitan. Bawat patak kasing lamig ng tinig mo na nanginginig dahil sa pagpigil sa pagtulo ng mga luha mong  pilit na nangingilid. Hanggang sa tuluyan ng bumuhos ang malakas na ulan nang pilit kang kumawala sa mahigpit kong yakap na ayaw kang bitiwan. Wala akong magawa kundi tingnan ka habang naglalakad palayo. Hindi ka na lumingon. Alam kong hindi ka na magbabalik.
Sinimulan ko na din humakbang palayo nang hindi ko na makita kahit na ang anino mo. Bawat hakbang sobrang bigat, sobrang hirap na halos ayaw umangat. Pakiramdam ko parang pudpod ng hiwa ang aking mga paa ngunit kailangan ko itong ilakad sa kalsadang puno ng asin. Tiniis ko naman hanggang sa nakasanayan ko na din. Hindi ako nagreklamo, hindi ako pumalag. Alam kong kailangan itong mangyari at kailangan kong malampasan. Iyon na ata ang pinakamahaba at pinakanakapanginginig na gabi na naranasan ko sa buhay ko – ang gabing iniwan mo ako.